Mga pasaway na pulis na iniharap sa Pangulo, hindi na ipadadala sa Mindanao 

Hindi na ipadadala sa Mindanao ang mga pasaway na pulis na iniharap sa Pangulong Duterte kamakalawa.

Ayon kay PNP Chief Dir. General Oscar Albayalde, sa halip na idestino sa malayong lugar, pabibilisin na lang ng PNP ang pagresolba sa mga kasong kinakaharap ng mga ito.

Ito aniya ay para agad na mapatawan ng kaukulang kaparusahan ang mga nahaharap sa mga kasong administratibo at ma-dismiss sa serbisyo kung kinakailangan.

Aniya, bukod sa mga kasong administratibo, nahaharap din sa mga kriminal na kaso ang ilan sa mahigit 100 pulis na may ranggong mula PO1 hanggang chief inspector na sinermonan ng Pangulo sa Malacañang noong Martes.

Karamihan sa mga naturang pulis ay mula sa NCRPO habang ang iba ay mula sa PRO3 at PRO4.

Magugunitang ang unang batch ng mga pasaway na pulis na iniharap sa Pangulo noong kapanahunan ni dating PNP Chief Ronald Bato Dela Rosa ay ipinatapon sa Mindanao para umano doon masubukan ang kanilang tapang sa pakikipaglaban sa mga terorista.   | ulat ni Leo Sarne

Photo courtesy: PNA