Mga pasaherong naunang bumili ng ticket sa Dimple Star bus ngayong Semana Santa inaayos na ng LTFRB

Inaasikaso na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang problema ng maraming pasahero na una nang nakakuha ng ticket sa Dimple Star bus para makapagbiyahe sa mga lalawigan ngayong Holy Week.

Ito’y matapos na tuluyan nang suspendihin ng LTFRB ang operasyon ng lahat ng 118 units nito habang isinasailalim sa imbestigasyon.

Sinabi ni LTFRB Board member Atty. Aileen Lizada, makikipag ugnayan ang board sa Dimple Star bus para ma-refund ang lahat ng pamasahe ng naka booked nang pasahero o di kaya ay mahanapan ng ibang bus company para maisakay ang mga ito.

Humihingi lang ng konting panahon si Lizada para maiayos ang proseso.

Kagabi sumuko sa Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ng Philippine National Police o PNP sa Camp Crame ang operator ng Dimple Star bus.

Ito’y matapos ipagutos ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng rekomendasyon na tuluyan nang kanselahin ang prangkisa ng Dimple Star bus.

Samanatala, sa kabuuang 440 application ng mga bus operators na humingi ng Special Permit para makapagbiyahe sa iba’t ibang ruta ngayong Semana Santa, 1,036 bus units ang pinal nang inaprubahan ng LTFRB.

Ito ay mula sa Bicol Region, Mindanao, North Luzon, Southern Luzon at Visayas Region. | via Rey Ferrer

Photo courtesy of Atty. Aileen Lizada’s Facebook account