Mga pasahero ng bus na nahulog sa bangin sa Sablayan, Occcidental Mindoro, ‘all accounted for’ – PNP

All accounted for na ang lahat ng pasahero ng bus na nahulog sa bangin sa national highway ng Patrick Bridge, Sitio Yapang, Brgy. Batong Buhay, Sablayan, Occidental Mindoro kagabi.

Ayon kay Occidental Mindoro Police Provincial Director Senior Superintendent Romie Estepa, sinisikap na nilang makontak ang mga kamag-anak ng mga biktima ng trahedya para ipaalam ang nangyari.

Ayon kay Estepa, 19 ang nasawi at 21 ang sugatan sa naturang aksidente.

Kasama sa mga iniulat na nasawi ang driver at konduktor ng Dimple Star na may plate number na TYU-708.

Ayon naman kay PNP Region 4B Spokesperson Police Superintendent Imelda Tolentino, inaalam na nila kung nagkaroon ng human o mechanical error na naging sanhi ng aksidente.

Sa paunang imbestigasyon nabatid na bumabiyahe patungong Maynila ang bus galing Occidental Mindoro at dumaan sa national highway nang mawalan ng kontrol ang driver nito.

Tumama muna sa side railing ng tulay ang bus bago ito tuluyang nahulog sa bangin. | via Leo Sarne

Photo courtesy of Michael Rogas