Mga panukala para sa inclusive at holistic education, napagtagumpayan ng Lehislatura at Ehekutibo

Patuloy na tumutugon ang Kongreso para makapagpasa ng mga batas na layong gawing inclusive ang edukasyon para sa mga Pilipino.

Kabilang dito ang ilan sa wish list na inilahad ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga nakaraang State of the Nation Address (SONA).

June 2020 nang lagdaan ng Pangulong Duterte ang RA 11470 o National Academy of Sports Act na layong pagbutihin ang athletic skills at talento ng mga estudyanteng Pilipino.

Ito ang magsisilbing pangunahing training center para sa mga Filipino athletes at makapagpapataas sa sports development sa bansa.

Sa New Clark City sa Capas, Tarlac itatayo ang main campus at sports facilities at amenities nito.

Ayon kay Deputy Speaker Mikee Romero, captain ng National Polo Team, magsisilbing morale booster para sa mga Pilipinong atleta ang pagkakalagda ng batas dahil karamihan sa kanila ang tila naisantabi bunsod na rin ng epekto ng COVID-19

Agosto naman noong nakaraang taon nang lagdaan din ng Pangulo ang RA 11510 o Alternative Learning System Act sa basic education para sa mga out-of-school youth (OSY).

Sa pamamagitan ng panukala ay mabibigyan ng ALS hindi lamang ang mga OSY kundi maging mga Madrasah students at Indigenous Peoples para ma-develop ang kanilang basic at functional literacy pati na ang kanilang life skills.

Bukod dito malaki rin ang pasasalamant ng 18th Congress sa pagpapatibay ng Punong Ehekutibo sa RA 11476 o Good Manners ang Right Conduct Act.

Ayon kay dating House Speaker Alan Peter Cayetano na isa sa mga nagsulong nito, napapanahon ang batas upang maihanda ang mga mag-aaral sa pagharap sa post-COVID o ‘new normal’ upang maging mabuting mamamayan.

Bago naman matapos ang 18th Congress, target mapagtibay ng House Committee on Basic Education and Culture na pinamumunuan ni Pasig Representative Roman Romulo ang mga Philippine High School for the Creative Arts System Bill, Mental Health Bill, Teacher Education Council Bill, Public Schools of the Futures in Technology Bill, Meister Schools Bill, at amyenda sa Expanded GASTPE Law.