Mga pangalang ibinunyag ni PRRD kagabi na dawit sa korapsyon, kinumpirma ng Palasyo na may kaugnayan sa dalawang Asec. na una nang pinasibak sa puwesto ng Pangulo

Kinumpirma ngayon ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na ang mga nabanggit na pangalan kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na under investigation ay konektado sa dalawang Assistant Secretaries na pinasibak nito lamang Martes.

Ito ay sina dating Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Moslemen Marambon Sr. at Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant Secretary Tingagun Ampaso Umpa.

Ayon kay Roque, pawang kasabwat ng sinibak na si Marambon Sr. at Umpa ang mga isinapublikong pangalan ng Pangulo na ngayon ay suspendido na.

Matatandaang karamihan sa nabanggit ng Presidente kagabi na kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa isyu ng korapsyon ay mga prosecutor, assistant prosecutor, inquest prosecutor at iba pa.

Isa pa nga sa mga pangalang isinapubliko ay dating mayor ng Marawi na tumutugon sa pangalang Amilquir Macabando.

Ang iba pang sumasailalim sa pagsisiyasat ay galing ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Bureau of Customs (BOC). | via Alvin Baltazar