Mga pamilyang naapektuhan ng magkakahiwalay na sunog nitong long weekend, mino-monitor ng DSWD

Kasalukuyang mino-monitor ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang sitwasyon ng daang pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa magkakahiwalay na sunog na nangyari sa ilang lugar sa bansa habang ginugunita ang Undas.

Base sa mga ulat na natanggap ng DSWD Disaster Response and Management Bureau, magkakahiwalay na sunog ang sumiklab sa mga lugar ng Sta. Mesa, Quiapo, at Pandacan, sa Maynila, at sa South Daang Hari sa Taguig.

Inaalam pa ng mga otoridad ang mga sanhi ng mga naganap na sunog.

Samantala, meron ding nakuhang ulat na nagkaroon ng mga insidente ng sunog sa Brgy. Canlapwas, Catbalogan City, sa Samar; Brgy. Sto. Niño, Talaingod, Davao del Norte; at Brgy. 76-A, Bucana, Davao City.

Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, nagbigay na ang kagawaran ng ‘augmentation assistance’ sa Manila City Social Welfare and Development Office dahil sa mataas na bilang ng apektadong pamilya at patuloy ang kanilang komunikasyon sa lahat ng concerned local government units sa iba pang lugar para sa ‘technical assistance’ o ‘resource augmentation.’

Ang concerned provincial and local government units ay nagbigay na rin umano ng paunang tulong sa mga apektadong pamilya tulad ng ‘relief goods’ at mainit na pagkain.

Siniguro naman ng kalihim na ang field offices ng DSWD sa National Capital Region, Eastern Visayas at Davao Region ay handang maghatid ng food and non-food items sa DSWD warehouses, kung kinakailangan.  | ulat ni Ched Oliva