Mga opisyal sa Davao LGU, magpupulong para sa deliberasyon ng 2019 annual budget allocation; Dagdag P2K allowance ng mga guro, tatalakayin

Davao City –- Itinakdang magtipun-tipon ang lahat ng division at department heads sa lungsod ng Davao para sa preparasyon ng annual budget allocation sa taong 2019.

Ayon kay Committee on Finance, Ways and Means Chairperson Councilor Danilo Dayanghirang, kritikal sa budgeting ang research at planning, dahilan upang ipatawag ang lahat ng department heads sa lungsod.

Sinabi rin ni Dayanghirang, isa sa mga tatalakayin ng komite ay ang isa sa mga hinihingi ngayon ng mga guro sa Davao na dagdag P2,000 na monthly allowance at rice subsidy.

Kahit pabor umano ang konsehal para dito, ipinaliwanag nito sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) na kailangang babaan ang halaga ng hinihingi dahil marami pang sektor ang mas nangangailangan ng pondo.

Ilan sa mga pinaglalaanan ng budget ng gobyerno ay ang alokasyon para sa lahat ng police auxiliaries sa bawat barangay, bayad sa elektrisidad sa lokal na pamahalaan, ang programang Lingap para sa Mahirap at marami pa.

Siniguro naman ni Dayanghirang na pag-aaralan itong mabuti upang magkaroon ng balanse sa pondo para sa lahat ng ahensya base na rin sa pangangailangan ng mga mamamayan. | ulat ni Sheila Lisondra – DXRP Radyo Pilipinas Davao