Mga opisyal na hindi ipatutupad ng tama ang Bayanihan 3, pinapanukalang parusahan

Pinalalagyan ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez ng penal provision ang House Bill 9411 o Bayanihan 3.

Kasunod ito ng pagtutol ng mambabatas sa paglipat sa local government units ng responsibilidad na mamahagi ng P1,000 “Ayuda to all Filipinos” at ipatupad ang ilan pang social service programs.

Una nang ipinunto ni Rodriguez na posibleng magamit ang digital payments kung saan ipapasok ang 1K ayuda para sa nalalapit na election.

Bukod dito, hindi rin mababantayan ng Kongreso kung totoong mga benepisyaryo ng mga programang AICS, TUPAD at AKAP ang makikinabang.

Diin ng Cagayan de Oro representative, para maiwasan ang kahalintulad na aberya sa Bayanihan 1 kung saan maraming reklamo na kung hindi kulang ay walang natanggap na ayuda kailangan magkaroon ng kaparusahan.

Matitiyak din ng penal provision na magkakaroon ng pananagutan ang mga opisyal na magtatangka na i-divert ang pondo o hindi ipatutupad ng tama ang probisyon at programa sa ilalim ng Bayanihan 3.