Mga NPA na pinadadala sa Luzon mula sa Mindanao, nagtatrabaho bilang security guards at construction workers sa Maynila — AFP

Nagtratrabaho bilang security guards at construction workers sa Maynila ang mga miyembro ng New People’s Army na pinadala sa Luzon mula sa Mindanao.

Ito ang natuklasan ng JTF-NCR matapos na sumuko sa militar ang tatlong NPA na tumutulong na ngayon sa militar na tugisin ang kanilang mga kasamahan.

Ayon kay JTF-NCR Commander Brig. Gen. Allan Arrojado, ang tatlo ay bahagi ng grupo ng 39 na NPA mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao na ibiniyahe patungong Maynila sakay ng tatlong van mula sa Davao.

Pansamantalang nagtrabaho ang tatlong NPA bilang sikyu at construction workers sa Maynila pero ang kanilang “assignment” ay magpanggap na mga pulis para mangikil ng pera.

Na-recover ng mga awtoridad ang mga pekeng uniporme ng pulis at samu’t saring matataas na kalibre ng baril sa kuta ng kanilang mga kasamahan sa Sitio Kalbo, Barangay Disimungal, Nagtipunan, Quirino nitong Sabado, base sa impormasyon na binunyag ng tatlo.

Tiniyak naman ni AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, kahit na magpadala pa ng karagdagang tao ang NPA sa Luzon hindi na mapipigilan ng NPA ang tuluy-tuloy na pagkalagas ng kanilang pwersa.

Sa ngayon ay umaabot na sa 7,194 ang sumukong NPA at 638 armas ang na-recover ng militar mula January 2018 hanggang May 2018. | via Leo Sarne