Mga negosyo sa Pasay City, pinagsusumite ng checklist para sa safety seal certification

Inatasan ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang business establishments sa lungsod na magsumite ng duly accomplished checklist requirements para sa safety seal certification.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, kinakailangang isumite nila sa Business Permit and Licensing Office ang checklist bago pagkalooban ng sertipikasyon.

Ipinaliwanag ni Rubiano na habang unti-unting binubuksan ang ekonomiya ay magsisilbing patunay ang safety seal certification na lahat ng negosyo ay tumatalima sa health protocols ng gobyerno.

Matapos isumite ay bibisitahin ng mga tauhan ng BPLO ang establisimiyento para inspeksyunin at matiyak na authentic ang mga dokumento.

Dagdag pa ng alkalde, magsisilbing oportunidad ang safety seal certification upang taasan ang operating capacity ng negosyo basta’t sumusunod sa health guidelines.

Sa ilalim ng Joint Memorandum Circular 21-01 ay binibigyan ng mandato ang LGUs na bumuo ng Safety Seal Certification Committee na magsisilbing issuing authority para sa registered businesses na nais magpa-verify at inspeksyon.