Pag-isyu ng permit sa mga negosyante sa Davao na hindi makakabayad ng buwis, maaaring maantala

Binigyan-diin ni Davao City Business Bureau Chief Atty. Marissa Marasigan-Torentera, na hindi sila mag-iisyu ng business permits hangga’t hindi binabayaran ng mga negosyante ang kanilang buwis.

Nabatid kasi ng business bureau na bagama’t nakapagtala sila ng 2,479 business permit applications mula noong Biyernes, na ikalawang araw nang pagpa-file ng aplikasyon, nasa 473 business permits lamang ang kanilang naipalabas dahil hindi pa nagbabayad ang mga ito.

Aniya, may mga business owners na nag-aapply muna tsaka na lang magbabayad.

Mabilis namang ipinaliwanag ni Torentera, na ang mga nag-apply nang maaga at magbabayad nang hindi lalampas sa January 31 ay hindi pa papatawan ng multa.

Muli namang pinaalalahanan ni Torentera ang mga negosyante, na kumuha na ng kaukulang clearances sa ibang ahensiyang tulad ng Bureau of Fire Protection (BFP), upang masigurong hindi maaantala ang kanilang business permits.

Ayon sa opisyal, may mga establisyimento kasi na hindi binigyan ng permit o clearance ng BFP o ng ibang tanggapan dahil kulang ang mga requirement kaya hindi rin sila mag-iisyu ng business permits.

Umapela naman si Torentera sa mga negosyante, na bagama’t kanilang pinalawig ang renewal ng business permits hanggang hatinggabi ng January 31‬, mas mabuting huwag nang maghintay ng deadline para asikasuhin ang kanilang renewal, dahil magdudulot lamang ito ng abala sa kanila.

Bukas ang business bureau Lunes hanggang Biyernes, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-otso ng gabi, habang tuwing araw ng Sabado ay bukas naman ang kanilang tanggapan mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. | ulat ni Dang Sabdani