Mga nawalan ng trabaho, sumipa sa 4.14 milyong Pinoy nitong Abril

Lumobo sa 4.14 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho noong buwan ng April 2021.

Ito ay ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa isang virtual briefing matapos umabot ang unemployment rate sa 8.7 percent noong Abril kapareho ng ulat noong Enero ng taong ito.

Ayon sa PSA, ang unemployment noong January 2021 ay pumalo sa 8.7 percent na may 3.95 milyong jobless na mga Pinoy.

Batay sa month-on-month basis, mas mataas ang unemployment rate noong buwan ng Abril kumpara sa 7.1 percent noong Marso na may kabuuang 3.44 milyong Pilipino.

Iniulat din ng PSA na ang underemployment naman ng bansa ay umabot sa 17.2 percent nitong April 2021, mataas kung ikukumpara sa 16 percent noong Enero ngayong taon.

Ang Pilipinas ay nakapagtala ng “worst” unemployment rate noong 2020 na may 10.4 percent dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinasabing kapag nagpapatupad ng lockdown sa isang lugar sa bansa dahil sa pandemic, nangangahulugan din ito ng mas kakaunting trabaho.