Mga napauwing OFWs sa gitna ng COVID pandemic, nasa higit 560,000 na

Nagpapatuloy ang repatration efforts ng pamahalaan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nais nang umuwi sa Pilipinas sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa press briefing sa Malaca├▒an, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sa ngayon, nasa 564,000 na OFWs na ang napauwi sa kanilang mga tahanan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa kasalukuyan, mayroon pa aniyang 130,000 na mga OFWs na naapektuhan ang trabaho, at nananatili pa sa ibang bansa.

Gayunman, sa bilang na ito, 80,000 dito ay mas pinili na manatili na lamang sa kanilang host country, lalo’t malaki ang insurance benefits nila roon.

Habang ang natitirang 50,000 OFWs aniya ay naghihintay na lamang na makauwi na sa bansa.

Una nang tiniyak ng kalihim na walang dapat ipag-alala sa repatriation efforts ng pamahalaan, dahil dinagdagan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para dito.