Mga nalalabing miyembro ng CPP-NPA terrorist group sa Negros, pinayuhan na sumuko na

Muling nanawagan ang Joint Task Force Negros sa mga nalalabing miyembro ng CPP-NPA terrorist group na sumuko at magbalik-loob sa pamahalaan.

Ang panawagan ay ginawa ni JTF Negros Commander Brig. Gen. Eric Vinoya matapos huling makasagupa ang may 20 miyembro ng teroristang grupo sa Sitio Cabangahan, Bantolinao, Negros Oriental.

Napilitang umatras ang teroristang grupo matapos malagasan ng maraming miyembro sa loob ng 40 minutong bakbakan.

Nagbanta si Gen. Vinoya na gagamitan nila ng malalakas na pwersa ng militar kapag ipagpilitan pa nilang lumaban.

Bukod sa air at naval assets na gagamitin,  suportado din ang tropa ng pamahalaan ng mga peace-loving Negrenses.

Muling binatikos ni Gen. Vinoya ang CPP-NPA terrorist dahil sa patuloy na paggamit ng anti-personnel mines na ipinagbabawal ng International Humanitarian Law.

Malinaw aniyang paglabag ito sa Ottawa Treaty, na mas kilala bilang “Anti-Personnel Mine Ban
Convention”.

Sa pinakahuling engkwentro sa Negros, bukod sa mga armas, bala, iba pang kagamitan at mga subersibong dokumento nakarekober din ang militar ng isang anti-personnel mine.