Mga nakumpiskang piniratang computers at gadgets, ibibigay ng OMB sa mahihirap na estudyante

Hihilingin ng Optical Media Board (OMB) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang approval nito, para ipamahagi sa mga mahihirap na estudyante ang mga nakumpiskang piniratang computers at gadgets sa kanilang mga isinagawang operasyon.

Sinabi ni OMB Chairperson Atty. Christian Aguila Natividad, nais nilang ipagamit sa distance learning ng mga estudyante ang mga nasabat na computers at gadgets.

Imbes na sirain ang mga ito, hihingiin nila ang pahintulot ng Pangulo para dalhin sa mga eskwelahan at local government unit (LGU) ang mga nakuhang kontrabando.

Kahapon ay nasabat ng OMB sa 3M Compound Brgy. Sta Rosa, Marilao Bulacan, ang hindi bababa sa P200 million na halaga ng mga piniratang computers at gadgets.

Ilegal daw na nakapasok ang mga ito sa Bureau of Customs, matapos mabigo ang may-ari na Filipino-Chinese na makapagpakita ng import permit.

Nahaharap sa kasong administratibo at kriminal ang may-ari at walong empleyado nito, kung saan maaaring makulong ng hanggang walong taon.