Mga nakalatag na hakbang ng pamahalaan para masiguro ang power sources at mapangangalagaan ang mga bakuna, tiniyak ng DOE

Binigyang-diin ni Energy Secretary Alfonso Cusi na planado na ang lahat noon pa man para sa mga gagawing pangangalaga sa mga COVID-19 vaccine bago pa man dumating ang iba’t ibang brand nito sa bansa.

Sinabi ni Cusi na katuwang ng Department of Energy (DOE) sa pagbuo ng planong ito ang Inter-Agency Task Force (IATF), mga kooperatiba, at ang National Electrification Administration (NEA).

Sinabi ni Cusi na kabilang sa kanilang mga napaghandaan ay ang availability ng primary source, secondary, tertiary source, fourth source, at iba pang mga pamamaraan kung paano mapangangalagaan ang mga bakuna sakaling makaranas ng pagkawala ng kuryente ang isang lugar.

Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos ang nangyaring rotational brownout kamakailan sa ilang bahagi ng bansa.