Mga nais magpaalis kay Gen. Albayalde sa puwesto, ‘wag magmadali — Palasyo

Pinayuhan ng Malacañang ang mga opisyal at mambabatas na nagpapa-resign kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na huwag magmadali.

Sa harap ito ng panibagong pasabog sa Mataas na Kapulungan, kaugnay ng umano’y pagkakasangkot ng Chief PNP sa sindikato ng ‘ninja cops’.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nasa Pangulo pa rin ang prerogative kung aalisin o hahayaan nitong patapusin ang termino ni Albayalde sa Pambansang Pulisya, na nakatakdang magretiro na sa susunod na buwan.

Sa Nobyembre 8 ang nakatakdang pagreretiro ni Albayalde kaalinsabay ng kanyang ika-56 na taong kaarawan, ang mandatory retirement age sa hanay ng Police at Military.

Kaugnay nito’y kumalat ang balitang naghain na ng kanyang pagbibitiw ang chief PNP, ngunit ito’y pinabulaanan ni Albayalde at sinabi nitong kanyang ipinauubaya ang kanyang kapalaran sa kung ano ang magiging pasiya ng Commander-in-Chief.