Mga nahuling delinguent employers, bibigyan pa ng pagkakataon na makapagpaliwanag – SSS

Binigyan ng 15-araw na palugit ng Social Security System (SSS) ang 28 delinquent employers para magpaliwanag kung bakit hindi sila maaaring kasuhan dahil sa paglabag sa SSS law.

Ang mga deliguent employers ay nahuli sa San Pablo City Laguna, Tuguegarao Cagayan at legaspi, Albay dahil sa pinaigting na Run Against Contribution Evaders campaign ng ahensiya.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Aurora Ignacio, inisyuhan sila ng Show Cause Order nang mabuking na hindi nire-remit ang monthly premiums ng kanilang empleyado sa ahensya.

Sa 28 employers, 12 ay mula Tuguegarao, anim sa San Pablo City at 10 sa Legaspi City.

Bukod sa hindi pagre-remit ng kanilang obligasyon, ilan sa kanila ay hindi rin nagre-report sa SSS ng employment record at hindi nagparehistro ng negosyo sa SSS.

Mahigit dalawang buwan nang nagsasagawa ng simultaneous RACE operations ang SSS sa buong bansa para lang malaman ang mga kumpanya na patuloy na nagbabalewala sa kanilang obligasyon.

Aniya, magsisilbi sanang warning ito sa iba pang employers at tatalima na sa SSS law.

Paalala pa ng SSS, lahat ng employers na bigong tumupad sa kanilang obligasyon ay maaaring makulong ng 12-taon at multa na hanggang P20,000.