Mga nagtayo ng community pantry sa buong bansa, mahigit 6,000 na

Dumami pa ang naengganyo na nagtayo ng bayanihan sa buong bansa sa pamamagitan ng community pantry.

Sa kasalukuyan, nakapagtala na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng mahigit 6,000 itinayong community pantry ng iba’t ibang grupo at indibidwal.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, patuloy na tinututukan ng mga awtoridad ang mga community pantry, para matiyak na sumusunod sa health protocols.

Sa naturang bilang, pinakamaraming pantry ang naitayo sa National Capital Region (NCR), na sinundan ng Region 3 at Region 4A.

Sabi ng kalihim, natutuwa silang buhay ang bayanihan sa panahon ng pandemya ngunit huwag naman daw kalilimutan ng organizers, na makipag-ugnayan sa mga barangay upang tulungan sila sa pagpapatupad ng safety and health protocols.