Mga nabinbing panukalang batas, uunahin muna bago isalang sa plenaryo ang Bayanihan-3

Inuuna lamang ng Kamara ang iba pang urgent bills na hindi natapos bago ang session break noong Marso.

Ito ang paglilinaw ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda kung bakit hindi pa rin isinasalang sa plenaryo ang panukalang Bayanihan-3.

Pagtitiyak ng mambabatas na maisasalang din sa deliberasyon sa plenaryo ang ₱405.6-billion Bayanihan-3 na magsisilbing lifeline para sa mga indibidwal at industriya na apektado ng COVID-19 pandemic.

Una nang inihayag ni House Speaker Lord Allan Velasco na kasama ang naturang panukala sa target nilang pagtibayin sa nalalabing tatlong linggo ng second regular session ng 18th Congress.

Noong May 12 ay nagkaroon muli ng pulong ang Kamara at ang economic managers at ayon kay House Economic Affairs Committee Chair Sharon Garin, handang hanapan ng kompromiso o middle ground ng dalawang panig ang pagpopondo para sa Bayanihan-3.