Mga miyembro ng NPA na nangingikil sa Negros Oriental, nakasagupa ng militar

Nakasagupa ng tropa ng militar ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Baliw, Brgy. Bagtic, Mabinay, Negros Oriental nitong nakalipas na araw.

Ayon kay Lt. Col. Patricio Tomales, commanding officer ng 15th Infantry Battalion,
nakatanggap umano ng reports ang militar na may grupo ng NPA ang sapilitang nanghihingi ng bigas at pera sa mga residente sa nabanggit na lugar.

Agad namang rumesponde ang tropa ng Alpha Company ng 15IB kung saan naabutan pa ang terrorist group at nagpalitan ng putok sa loob ng 30 minuto.

Bagamat nakatakas, narekober naman ng tropa ng pamahalaan ang isang M16 rifle, labing isang magazines, anti-personnel mines, rifle grenade, commercial radios, mga bala, mga subersibong dokumento at personal belongings.

Kaugnay nito nanawagan ang opisyal sa publiko na huwag matakot na ipagbigay alam sa militar ang anumang presensiya at aktibidad ng teroristang grupo, upang matuldukan na ang panghihingi ng pera ng mga ito na modus operandi ng CPP-NPA Terrorist. | ulat ni Rey Ferrer