Mga militanteng grupo, walang tigil sa pag-rally sa Camp Crame para palayain ang arestadong NDF members

Ilang dosenang miyembro ng iba’t ibang militanteng grupo ang nagsagawa na naman ng rally sa harap ng gate 2 ng Camp Crame ngayong hapon.

Katulad din ng rally noong Martes, ipananawagan ng protesters ang pagpapalaya sa mga lider ng makakaliwang grupo na inaresto ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na operasyon nito sa Laguna at Nueva Ecija kamakailan.

Kabilang sa limang inaresto sa Sta. Cruz, Laguna noong Oktubre 15 ay sina Adelberto Silva, Hedda Calderon, Irineo Atadero, Edizel Legazpi at isang Taxi Driver na inupahan ng mga ito.

Kasalukuyang nakaditine sa CIDG Headquarters sa Camp Crame si Silva, ang pinuno ng National Organizational Department (NOD) ng CPP-NPA, na isa sa mga pinalayang NDF consultants noong taong 2016, at ang apat pa nitong kasamahang arrestado.

Ayon kay Jang Monte – Hernandez, Secretary General ng grupong Gabriela, kahapon pa nabigyan ng release order mula mismo sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sina Calderon na Consultant ng Gabriela, gayundin sina Atadero at Legazpi. | ulat ni Leo Sarne