Mga media na ang kaso ng pagpatay ay iniuugnay sa pangongotong, hindi saklaw ng PTFoMS 

Binigyang diin ngayon ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), na hindi saklaw ng kanilang mandato na bigyan ng ayuda ang mga kagawad ng media na tinaguriang “ACDC.”

Ang ibig sabihin ng ACDC – attack, collect, defend, collect na kasingkahulugan ng “kotongero.”

Ayon kay PTFoMS Executive Director Undersecretary Joel Egco, hindi na bago sa kanya ang matanong kung saklaw ba ng kanyang tanggapan ang isang kaso ng pagpatay sa media na iniuugnay sa pangongotong o extortion.

Iisa lang naman aniya ang tugon niya dito, at ito ay ang matulungan o mabigyan ng proteksiyon ang media workers at hindi ang extortionist.

Kung may mga media man aniyang dawit sa pangongotong, inihayag ni Egco na wala ring dapat magbantay sa mga ito kundi ang kapwa nito mamamahayag.

Aminado naman sa kabilang banda si Egco, na may nagsusumbong sa kanya tungkol sa tinaguriang “kotong media” pero ito aniya’y idinudulog niya na lang sa media organization kung saan, miyembro ang inaakusahang media gaya halimbawa sa National Press Club (NPC) o sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP). | ulat ni Alvin Baltazar