Mga matataas na opisyal ng PNP na involved sa katiwalian, hindi sasantuhin ng bagong CITF commander

Hindi sasantuhin ng bagong upong Counter Intelligence Task Force Commander, SSupt. Romeo Caramat Jr, ang mga matataas na opisyal ng Philippine National Police na involved sa katiwalian.

Ito ang inihayag ni Caramat sa kanyang pormal na pag-upo sa pwesto kahapon, kapalit ni dating CITF Commander SSupt. Chiquito Malayo.

Si Caramat ang dating Provincial Director ng Bulacan na nakilala dahil sa kanyang “One Time Big Time Operation” noong August 15, 2017 kung saan 32 drug personalities ang napatay sa 24 oras na operasyon ng PNP kontra droga sa lalawigan.

Si Caramat ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) class of 1992.

Aminado si Caramat na malaking hamon para sa kaniya ang kaniyang bagong pwesto dahil ang kaniyang magiging misyon ay ang mga kapwa niya pulis na sangkot sa iba’t ibang iligal na aktibidad.

Ayon kay Caramat, hindi niya maipapangako na hindi magiging madugo ang kampanya kontra sa mga tiwaling pulis lalo na kung manlaban ang mga ito. | ulat ni Leo Sarne