Mga mangingisda sa Lawa ng Taal, unti-unti nang nakakabangon sa magkakasunod na dagok ng pagputok ng bulkan at COVID-19 pandemic

Unti-unti nang nasa normal ang buhay ng mga mangingisda na umaasa sa Lawa ng Taal matapos ang magkasunod na dagok bunsod ng pagputok ng bulkan noong nakaraang taon at bagsik ng COVID-19.

Ito ay dahil naibalik na nila sa normal ang takbo ng hanapbuhay sa nakalipas na ilang buwan. Sa Central Fishport ng Laurel, Batangas, umaabot na sa halos 20 toneladang tilapya ang hinahango kada araw at iniluluwas sa Metro Manila.

Ang tilapya at bangus ng Lawa ng Taal ang isa sa mga pinagmumulan ng suplay ng isda sa malaking bahagi ng Metro Manila.

Bagamat aminado silang malaki pa rin ang kanilang pangambang muling pumutok ang bulkan, sinisikap pa rin daw nilang maibalik sa dati ang mga nasirang kabuhayan.

Sa ngayon, umaabot sa P80 hanggang P100 ang kada kilo ng hinahangong tilapya sa Lawa ng Taal at ibinabagsak naman sa National Capital Region sa halagang P130.