Mga manggagawa, may dahilan nang humirit ng dagdag-sahod sa gitna ng nagtataasang presyo ng bilihin – KMU

Iginiit ngayon ng labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) at ilang militanteng grupo na ipatupad ng Duterte administration ang national minimum wage na P750 arawang-sahod para sa mga manggagawa.

Ang panawagan ay ginawa ng ilang grupo sa kanilang protesta sa harap ng palengke ng Mega Q-Mart sa Quezon City.

Ayon kay KMU Secretary General Jerome Adonis, may rason na ang mga manggagawa na humiling ng dagdag na sahod sa kabila ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Malaki din ang agwat ng pasahod sa Metro Manila kung ang mga manggagawa ay tumatanggap ng minimum na P512. Mas mababa pa dito ang ibinibigay sa mga lalawigan.

Base sa independent think-tank IBON, ang isang pamilya na may anim na miyembro ay nangangailangan ng P1,175 para mamuhay nang maayos.

Bago pa man ipinatupad ang TRAIN Law, naranasan na ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Dahil dito, nanawagan ang KMU na tanggalin ang TRAIN Law at mga dagdag-buwis sa langis at iba pang produkto at serbisyo, palakasin ang domestic production ng pagkain; ipatigil ang pagtaas sa singil sa tubig, pasahe sa LRT at iba pa na pabigat sa consumers at magpatupad ng price control.  | ulat ni Rey Ferrer