Mga mall at establisyimentong nabibigyan ng safety seal, parami na ng parami

Nadagdagan pa ang bilang ng mga mall at establisyimento na nabibigyan ng Certificate of Safety Seal sa Quezon City. 

Ito ay dahil nakakasunod na ang karamihan sa mga pamantayan na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pagpapatupad ng safety and health protocols sa kani-kanilang mga lugar. 

Kanina, ginawaran ng QC LGU sa pangunguna nina Mayor Joy Belmonte at Business Permits and Licensing Department Head Ma. Margarita Santos ng Safety Seal certification ang SM Fairview, Robinsons Novaliches, Fairview Terraces, UP Town Center, Trinoma, Vertis North, at Ayala Cloverleaf. 

Una nang nabigyan ng kahalintulad na certification ang Araneta City Malls sa Cubao at Fishermall sa Quezon Avenue. 

Ang safety seal ang nagpapatunay na mahigpit na ipinatutupad sa mga nasabing establisyimento ang minimum health and safety protocols, tulad ng paglalagay ng KyusiPass at contact tracing app ng QC. 

Sa pamamagitan din ng safety seal, mas maitataas pa ang kumpiyansa ng mga konsumer na mamili dahil nakatitiyak silang ligtas at sumusunod sa health protocols ang establisyimentong pupuntahan nila.