Mga mahihirap na residente sa Manila, binakunahan na ngayon

Photo from Manila PIO FB page

Tututukan na rin ngayon ng Pamahalaang Lungsod ng Manila ang sektor ng mahihirap, para mabakunahan kontra COVID-19.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, nakatanggap na ng 74,000 doses ng Pfizer ang pamahalaang lungsod na donasyon ng Covax.

Ngayong araw na rin, Miyerkules, June 16, sinimulan ang pagbabakuna para sa A5 priority group o mga mahihirap na residente ng Manila.

Pinakasentro ngayon ng COVID-19 vaccination site para sa A5 priority group ang walong lugar, apat dito ay nasa District 1, tatlong lugar sa District 5, at isang lugar sa District 6.

Tig 1,000 doses ng Pfizer ang ipinamahagi ng pamahalaang lungsod sa mga naturang lugar, maliban sa Port Area o Baseco na 700 doses lamang.

Maagang nagsimula ang pagpila ng mga magpapabakuna at sa oras ay sinimulan ang pag-iiniksiyon sa mga residente.

Ngayong araw ay ipinagpatuloy din ang pagbabakuna ng second dose ng Sinovac para sa A1, A2 at A3 sa anim na vaccine site, na nakakalat mula sa District 1 hanggang District 6.

Itutuloy din ang pagbabakuna ng unang dose sa apat na mall sa lungsod na binigyan ng 2,500 doses bawat isa.