Mga magsasaka sa Region 6, maaari nang gumamit ng agricultural machinery nang libre para sa kanilang produktong palay – NFA

Upang mas mapasigla pa ng National Food Authority (NFA) ang kanilang palay procurement program, dalawang mechanical dryers ang ipinagkaloob sa kanila ng Department of Agriculture (DA) na magagamit sa mga warehouse nito sa Region 6.

Ayon kay NFA Director Rebecca Olarte, bawat mechanical dryers ay may capacity na 120 bags sa bawat batch at kumpleto ng prime mover, 3-phase generating sets at iba pang attachments.

Aniya, libreng ipagagamit ito ng NFA sa mga magsasaka na nagbebenta sa kanila ng produktong palay, bukod pa sa ibibigay na drying incentives na 20 sentimos kada kilo.

Kaugnay nito, nangako naman si Agriculture Secretary Manny Piñol na magbibigay pa ito ng farm machinery sa mga farmer cooperatives at associations kapag nakapagbenta sila ng kahit 2,000 metric tons ng palay sa NFA.

Bukod dito, magiging prayoridad sila sa pag-avail ng Production Loan Easy Access na isang pautang na programa ng DA para sa mga qualified farmer cooperatives at farmer associations. | ulat ni Rey Ferrer