Mga magsasaka sa Bicol na sinalanta ng bagyong Usman, tinutulungan na ng DA

Aabot sa P3.2 milyong halaga ng gamit sa bukirin at makinarya ang naipagkaloob na ng Department of Agriculture (DA) sa may 1,000 magsasaka sa Bicol Region na sinalanta ng bagyong Usman.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny PiƱol, bahagi lamang ito ng kabuuang 28,714 na magsasaka na target na mabigyan ng pautang at financial assistance ng DA na P5,000.

Aniya, naglaan na ang DA ng P3.4 bilyon para sa mga magsasaka na nawalan ng income dahil sa pagkasira ng may 31,000 ektarya ng bukirin bunga ng pagbaha at landslide.

Bukod dito, tiniyak din ng kalihim na bibigyan sila ng libreng binhi ng palay at mga gulay.

Sa pagtaya ng DA, nasa P596 milyon na pagkalugi ang naitala sa sektor ng agrikultura sa Bicol Region.

Pinakamalalang naapektuhan ang mga rice farmer na umabot sa P514 million ang losses o 16,331 metric tons ng palay.

Nasa P27 million naman ang losses sa mais. Samantala, ang high-value crop growers ay nalugi din ng halos P40 million pesos. | ulat ni Rey Ferrer