Mga magsasaka na naapektuhan ng bagyong Usman, tutulungan ng DA

Mino-monitor na ng Department of Agriculture (DA) ang epekto ng bagyong Usman sa sektor ng pagsasaka.

Sa pahayag ng DA-Operations Center, naghanda na sila ng mga binhi ng palay, mais at mga high value crops para sa agarang distribusyon sa mga naapektuhang magsasaka.

Sa Region 5 at 13, may nakahanda nang bulto-bultong ‘in bred rice seeds’, yellow corn, Open-Pollinated Variety White Corn seeds at mga binhi ng gulay.

May ipapamahagi rin na mga abono, farm equipment at machineries at mga pesticides sa pananim.

Layon ng DA na agad na maibangon ang kabuhayan ng mga magsasaka mula sa pagkasalanta ng kanilang pananim dahil sa bagyo.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa lahat ng Agricultural Program Coordinating Officers para sa pag-monitor sa mga lugar na dinaanan ng bagyo.  | ulat ni Rey Ferrer