Mga magsasaka at mangingisda sa Eastern Samar na naapektuhan ng bagyong Samuel, binigyan ng ayuda ng DA

Aabot sa P30-M ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) bilang ayuda sa mga magsasaka at mangingisda na sinalanta ng bagyong Samuel sa Eastern Samar.

Partikular na binigyan ng tulong ang bayan ng Jipapad, Eastern Samar, kung saan lumubog sa baha ang kabuhayan ng mga residente.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol bawat magsasaka at mangingisda doon ay binigyan ng tig-P5,000 sa ilalim ng Survival and Recovery Loaning Program.

Makakakuha din sila ng pautang na P10-M sa ilalim ng Production Loan Easy Access Program ng DA Agricultural Credit Policy Council.

Pinadaan naman sa mga grupo ng kababaihan sa lugar ang pamimigay ng mga binhi ng palay at mga gulay.

Samanatala, ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay nagkaloob din ng 30-footer Fiberglass Fishing Boats na pakikinabangan ng mga mangingisda sa lugar.

Nagtayo din ng Special NFA outlet doon para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng murang bigas hanggang makabangon ang mga apektadong residente.

Inaalam na rin ng Regional office ng DA ang mga residente na naapektuhan din ng pinsala sa Catubig at Las Navas sa Samar.  | ulat ni Rey Ferrer