Mga lumulutang na banta sa Traslacion, pawang tsismis lang — NCRPO Dir. Eleazar

Pawang tsismis lang at walang basehan ang mga lumulutang na posibleng banta sa Traslacion.

Ito ang binigyang-diin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar, kasabay ng pagtiyak na walang kumpirmadong banta na na-monitor ang PNP sa taunang aktibidad.

Ayon kay Eleazar, mahigpit ang koordinasyon ng PNP sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at sa intelligence community para matiyak ang kaligtasan ng mga debotong makikilahok sa prusisyon.

Giit ni Eleazar, walang tigil sa pag-monitor ang PNP ng mga posibleng banta sa seguridad at mananatili silang naka-alerto hanggang sa matapos ang prusisyon.

Kahapon ay idineklara ng Quezon City government na suspendido ang klase sa lahat ng antas sa araw na ito dahil sa mga napaulat na banta sa seguridad at inaasahang problema sa trapiko.

Welcome naman kay Eleazar ang hakbang ng QC government at sinabing kahit walang na-monitor na banta ang PNP, makakatulong sa pagbawas sa problema sa trapiko ang suspensyon ng klase sa QC.  | ulat ni Leo Sarne