Mga Lumad, humarap sa PNP Chief para itangging kakampi nila ang NPA

Humarap kahapon kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde sa Camp Crame ang isang grupo ng mga Lumad para itanggi na kakampi sila ng New People’s Army (NPA).

Ang grupo ng mga Lumad na tinaguriang Mindanao Indigenous Peoples Coalition For Cultural, Justice and Integrity, na pinangunahan ng kanilang Chairman na si Lipatuan Unad, ay humingi din ng proteksyon ng PNP laban sa NPA.

Ayon kay Unad, ginagaya lang ng NPA ang makukulay na kasuotan ng mga Lumad sa kanilang mga inorganisang rally, pero hindi mga totoong Lumad ang sumasama dito.

Katunayan, ay marami na sa kanilang mga miyembro ang pinatay ng NPA dahil sa pagtangging sumama sa kanila.

Bilang tugon sa kahilingan ng grupo sa karagdagang proteksyon, sinabi ni Albayalde na hindi naman pwedeng armasan ng PNP ang mga Lumad.

Sa halip, ipinangako naman ni Albayalde na mas paiigtingin ang pagapapatrolya ng PNP mobile groups sa mga Lumad communities kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP). | ulat ni Leo Sarne

Photo courtesy: PNP FB page