Mga lokal na pamahalaan na mabagal o mahuhuli sa pagbabakuna, tutulungan ng DOH

Tutulungan ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) ang mga lokal na pamahalaan na mabagal sa pagbabakuna kontra COVID-19.

Ayon kay DOH Usec. Ma. Rosario Vergeire, hindi pananagutin  at sa halip ay aalalay ang DOH para mas mapabilis ang pagtuturok ng bakuna ng mga local government units o LGUs.

Nilinaw pa ni Vergeire, na hindi lamang ito sa mga lokal na pamahalaan na matatagpuan sa NCR-Plus, kundi maging sa iba pang panig ng bansa na magkaka-problema sa pagbabakuna.

Titingnan din ng DOH kung ano ang magiging problema sa mga lokal na pamahalaan sa pagbabakuna, at regular itong magbibigay ng tulong.

Kaugnay nito, ay regular din ang isinasagawang pagpupulong ng DOH at mga Regional Director nito, kasama ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., para makita ang sitwasyon, at mga tugon na dapat ipatupad.