Mga libro, gamit pang-edukasyon na di naibigay sa mga mag-aaral, paiimbestigahan ni Sen. Angara

Dismayado si Senador Sonny Angara sa natuklasang kakulangan ng Department of Education (DepEd) base na rin sa nakasaad sa 2018 COA report.

Sa naturang report, nakasaad na halos 27-milyong libro at ilang materyales na kailangan para sa K to 12 program ang hindi naibigay sa mga estudyante.

Bukod pa diyan, ang hindi natupad na pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan at mga maling impormasyon sa mga libro ng mga estudyante.

Giit ni Angara, taon-taon ay isa ang DepEd sa pinaglalaanan ng malaking porsiyento ng pambansang pondo para mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Nakakadismaya aniyang malamang nasasayang lang ang bahagi ng pondong ito.

Dahil dito, sa susunod na linggo ay maghahain ang senador ng isang resolusyon upang matalakay sa senado ang delay sa procurement, at distribution sa basic education facilities items at epekto nito sa edukasyon ng mga bata.