Mga labi ng nasawing NPA sa Bohol, nai-turn over na sa pamilya

Nai-turn over na sa kani-kanilang pamilya ang mga labi ng limang New People’s Army (NPA), na namatay matapos maka engkwentro ang mga tropa ng 47th Infantry Katapatan Battalion kahapon, sa Bilar, Bohol.

Kinilala ang mga ito na sina: Joseph Bautista alyas Bryan, 33, ng Inabanga; Romeo Nabas alyas Marlon, 54, ng Batuan; Marvin Terig alyas Chris, 22, ng Danao; Junrey Bucar alyas Justin, 20, ng Bilar; at Edionela Nuera alyas Mia, 18, ng Trinidad.

Ayon kay 1st Lieutenant Elma Grace Abulencia, tagapagsalita ng 47th Infantry Battalion, ang mga sundalo ang nagdala ng mga bangkay sa punerarya sa Sagbayan matapos ang bakbakan.

Nakipag-coordinate din ang militar sa local government unit, para sa posibleng tulong na maibigay sa mga pamilya ng mga nasawi.

Ayon kay Lt. Abulencia, kalimitan ay iniiwan na lang ng NPA ang mga bangkay ng kanilang mga nasawing kasamahan, kapag tumatakas sa labanan o kaya ay inililibing sa gubat ng hindi ipinapaalam sa pamilya ng namatay.