Mga kumpanya sa Taguig, pinagsusumite ng listahan ng empleyadong babakunahan vs. COVID

Nakikipagtulungan na ang Lokal na Pamahalaan ng Taguig sa mga pribadong kumpanya, para magbigay ng listahan ng kanilang mga empleyado na nais magpabakuna laban sa COVID-19.

Ayon sa Taguig City Vaccination Task Force, ngayong pinalawig na ang programa sa A4 category, ay inaasahan nilang tataas ang bilang ng mga magpapabakuna sa lungsod.

Para sa informal sector workers, maaari silang makipag-ugnayan sa Barangay Affairs Office o sa pinakamalapit na barangay hall, para magpa-schedule ng vaccination.

Hinimok naman ng city government ang mga kumpanya o business establishments, na magtalaga ng focal person na aagapay sa pagbabakuna ng mga empleyado.

Una rito, binuksan ng local government ang registration para sa A4 priority group, at mas pinadali ang proseso sa pamamagitan ng “group scheduling.”

Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 31,000 indibidwal ang nakatanggap ng second dose ng COVID-19 vaccine sa Taguig, at sa kabuuan ay 15.14 percent ng target population ang nabakunahan.