Mga kandidatong hindi kasapi ng ruling party, may pag-asa pa ring suportahan ni PRRD

Hindi dahilan ang hindi pagiging kasama sa partido ng administrasyon para hindi makasama sa senatorial slate ni Pangulong Rodrigo Duterte sa May elections.

Pinatunayan ito mismo ng Pangulong Duterte, nang ilatag nito ang ilang mga senatoriables na hindi kasama sa partido pero kanyang susuportahan.

Ito ay sina Senador Cynthia Villar, Governor Imee Marcos at Representative Pia Cayetano, na pawang taga Nacionalista party at hindi mga taga-ruling party na PDP Laban.

Utang na loob ayon sa Pangulo ang isa sa kanyang binibigyang bigat o kunsiderasyon para suportahan ang pagtakbo ng isang kandidato, lalo na at lagi nitong nababanggit na noong panahong siya ay tumakbo sa pagka-Pangulo ay iilan lang ang mga sumuporta sa kanya.

Binigyang diin ng Chief executive, na wala siyang nakikitang mali sa ganitong klase ng prinsipyo, na aniya ay tama lang upang makabawi sa kagandahang loob at tulong na ibinigay sa kanya noong panahong siya ang nangangailangan ng tulong. | ulat ni Alvin Baltazar