Mga kaanak at kasama sa bahay ng mga frontliners, ipinanawagang isama sa prayoridad na mabakunahan kontra COVID-19

Hinikayat ni Senador Richard Gordon ang Department of Health (DOH) na isama rin sa mga prayoridad na mabakunahan kontra COVID-19 ang mga kaanak at kasama sa bahay ng mga healthcare at economic frontliners. 

Ayon kay Gordon, lumiham na siya kay Health Secretary Francisco Duque III para mabigyang prayoridad sa COVID-19 vaccination ang mga frontliners, kanilang mga kamag-anak at kasama sa bahay para makaiwas sa hawaan. 

Paliwanag ng senador, araw-araw na hinaharap ating mga healthcare at economic frontliners ang panganib na ma-expose sa COVID-19 at dagdag pang hirap sa kanila ang palaging pangangambang maiuwi nila ang virus.  Kaya sa pamamagitan aniya ng pagbabakuna sa kanilang mga kasama sa bahay, maaalis ang takot ng ating frontliners at mapapataas pa ang kanilang mga morale.