Mga istasyon ng pulis sa Metro Manila, palalagyan ng aircon – NCRPO Director

Nanawagan si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Camilo Pancratius Cascolon sa mga Local Government Units (LGU), na tumulong para malagyan ng aircon ang mga himpilan ng pulis sa kanilang nasasakupan.

Ang panawagan ni Cascolan ay kanyang inihayag matapos itong magsagawa ng pag-iikot sa iba’t ibang Police stations sa NCR kahapon.

Nakita ni Cascolan, na hindi lahat ng mga istasyon ng pulis ay may aircon at dahil sa tindi ng init ay hindi maganda ang working conditions ng mga pulis.

Ayon sa NCRPO Director, mas magiging epektibo ang pulis sa kanilang trabaho kung maayos at kaaya-aya ang lugar na kanyang pinagtatrabahuan, at maaring maiwasan na ang sinasabing mga pulis na “masungit” sa publiko.

Sa kanyang pag-iikot, ininspeksyon din ni Cascolan ang mga detention facilities na ipinagutos ng Pangulong Rodrigo Duterte, na ayusin para hindi na masyadong siksikan.

Magugunitang ilang preso na ang namatay sa mga nakalipas na buwan sa sobrang init sa loob ng piitan dahil sa overcrowding.

Pansamantalang pinalagyan ng exhaust fans ang mga detention facilities sa mga presinto ng pulis, habang wala pang mas maayos na kulungang naitatayo. | via Leo Sarne