Mga isasagawang rally ngayong May 1, hindi lang sa Metro Manila

Hindi lamang sa Metro Manila nakatuon ang mga pagkilos ng mga manggagawa ngayong Labor Day.

Ayon kay Primo Amparo ng Workers for People’s Liberation, alas-7 pa lamang kaninang umaga may pagtitipon na ang mga manggagawa na makikita sa Recto, Manila at aanib sa grupo ng Workers Against Contractualization na magmamartsa sa Chino Roces Bridge dakong alas-8:30 ng umaga.

Pero hindi magtatagal sa lugar ang grupo dahil isasagawa nito ang caravan patungo sa San Fernando, Pampanga pagsapit ng alas-10 ng umaga.

Kasabay ng mga kilos protesta sa Metro Manila, may mga pagkilos din sa Central Luzon, ang mga manggagawa sa lalawigan ng Bataan ay magmamartsa din mula Lakandula Street papuntang New Public Market, at pagkatapos ng maikling programa, itutuloy ang kanilang martsa papuntang Municipal Hall, bago ang Caravan sa San Fernando Pampanga.

Ganito din ang gagawin ng mga manggagwa sa Olongapo City kung saan magkakroon din ng caravan sa San Fernando Pampanga alas-7 pa lamang ng umaga.

May pagkilos din sa Baguio ng bandang ala-1 ng hapon ang Young Workers League, ang
Cebu Citizens Assembly sa harap ng Sto. Rosario Church sa Cebu, at sa
Davao  may gagawin din pagkilos ang mga manggagawa sa Victoria Plaza Mall gayundin sa General Santos City.

Sasamantalahin ng iba’t ibang labor groups ang panawagan sa administrasyong Duterte na pirmahan na ang Executive Order na papabor sa mga manggagawa at hindi sa mga business sector. | via Rey Ferrer