IPs sa Mindanao, ibinunyag ang ‘di makataong gawain ng CPP-NPA

Nanawagan ang tribal groups mula sa Mindanao sa iba’t ibang sektor na itigil na ang pagbibigay ng suporta sa CPP-NPA-NDF.

Partikular na umapela ang Indigenous Peoples (IPs) sa international community, NGOs at iba pang sektor dahil hindi naman napupunta sa tama ang pondo na kanilang nakukuha.

Sa pulong balitaan sa Quezon City, ibinunyag ng grupo ang hindi makataong gawain at kasinungalingan ng CPP-NPA sa mga kanayunan.

Ayon kay Bae Lahong Chiary Balinan, dating recruit ng CPP-NPA-NDF, marami ng tribal leaders ang pinatay ng teroristang grupo dahil sa pagtanggi na makiisa sa kanilang kilusan.

Hindi umano sila titigil sa pagsisiwalat ng katotohanan laban sa gawain ng CPP-NPA at mabigyan ng hustiya ang mga pinatay nilang kaanak.

Una nang nagtungo ang tribal leaders sa Europe at United States at nagsagawa ng “Truth Caravan” sa mga komunidad.

Naghain na rin sila ng formal complaint sa Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights at sa Permanent Forum on Indigenous Issues (PFII) Secretariat para imbestigahan ang pang-aatake ng komunistang grupo sa mga IPs.

Kabilang sa kanilang reklamo ang 17 paglabag sa tribal culture at tribal rights kabilang ang recruitment sa mga IP children para maging child warriors, mga pagpatay kapag tumatanggi sa mga programa ng CPP-NPA sa kanilang ancestral domain at iba pa.