Mga indibidwal na na-miss ang kanilang 2nd dose ng COVID vaccine, maaaring magpa-reschedule — DOH

Nilinaw ng Department of Health (DOH), na walang problema kung may mga indibidwal na hindi nakapagpaturok ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine sa itinakdang petsa.

Sa symbolic vaccination ng A4 priority group, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, na maaari pa rin namang tumanggap ng second dose ang mga indibidwal na ito.

Kailangan lamang aniya, na makipag-ugnayan sa kanilang mga local governmen unit o city health officials, upang makapagpa-reschedule ng kanilang second dose.

Ayon sa kalihim, kaya lamang naman na-miss ng nasa 9 percent ng mga nabakunahan ang kanilang second dose, ay dahil nagkaroon ng emerency ang mga ito o hindi kaya ay nagkasakit, at wala namang indibidwal ang sinadyang hindi kunin ang kanilang ikalawang dose.

Kaugnay nito, muling ipinaalala ng kalihim, na mahalaga na makumpleto ng isang indibidwal ang required dose ng isang partikular na bakuna, para sa ganap na proteksyon laban sa COVID-19.