Mga imported na bigas na natengga sa mga barko sa mga daungan, naibaba na at ipapadala sa dadaanan ng bagyo – NFA

Naibaba na ng National Food Authority (NFA) ang mga naipit na tone-toneladang bigas sa mga barko sa ilang daungan sa bansa.

Ayon kay NFA Director Rebecca Olarte, nasa 380,000 sako ng bigas ang naibaba na sa mga daungan ng Manila, Subic, La Union, Legazpi at Batangas.

Ang mga bigas aniya ay agarang ipadadala sa mga lugar na dadaanan ng bagyong Ompong.

Ilang linggo na rin na hindi naibaba ang mga imported na bigas dahil sa masamang lagay na panahon

Sinamantala ng mga field workers ng NFA ang magandang panahon para mailipat na sa mga warehouse nito ang mga inangkat na bigas bago pa tuluyang manalasa si Ompong.

Sa kasalukuyan, nasa isang milyong sako na ng bigas ang istratehiko nang naka-imbak sa iba’t ibang warehouses sa Luzon, kabilang na ang National Capital Region (NCR), para sa distribusyon nito sa mga accredited retailers at sa mga relief operations sa panahon ng kalamidad.  | ulat ni Rey Ferrer