Mga hindi lisensyadong armas ng mga Garin, ipinapasuko ni PRO6 Dir. CSupt. Bulalacao

Ipinapasuko ni Police Regional Office (PRO 6) Director Csupt John Bulalacao ang mga hindi lisensyadong armas ni Oscar Garin ng Guimbal, Iloilo at 1st District Representative Richard Garin.

Payo ni Bulalacao, kusang loob nang isuko ng mga Garin ang mga armas bago pa man magsagawa ng raid ang Philippine National Police (PNP) para kumpiskahin ang mga ito.

Babala ni Bulalacao sa mga Garin, hindi sila mag-aatubiling ipatupad ang batas lalo na ngayong natuklasan sa records ng PNP na may hawak ang pamilya ng mga hindi rehistradong armas.

Batay sa records ng PNP, si Rep. Garin ang rehistradong may-ari ng 11 firearms kung saan tatlo dito ay expired na ang lisensya, habang si Mayor Oscar Garin ay may nakarehistrong walong firearms at lima na dito ang paso ang lisensya.

Magugunitang kinansela ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang permit to carry firearms outside of residence (PTCFOR) at license to own and posses firearms (LTOPF) ng alkalde at mambabatas, epektibo kahapon.

Ito’y kasunod ng insidente noong Miyerkules ng madaling araw sa Guimbal Public plaza, kung saan umano’y dinisarmahan, pinosasan, binugbog At dinuraan ng kongresista ang isang pulis, habang tinututukan ito ng baril ng Alkalde. | ulat ni Leo Sarne