Mga hakbang na makakatulong sa pagbawas ng aksidente sa lansangan, tuloy-tuloy na ginagawa ng DOTr

Patuloy na magpapatupad ng mga hakbang ang Department of Transportation (DOTr) na makakabawas ng mga aksidente sa lansangan at magpapatatag ng kamalayan at kaligtasan sa kalsada.

Ito ang tiniyak ni DOTr Secretary Arthur Tugade, kasabay ng  paggunita sa World Day of Remembrance para sa Road Traffic Victims.

Sinabi ni Tugade, na habang ginugunita ang buhay ng mga biktima ng mga road accident dapat ding tandaan na may pangangailangan ang publiko ukol sa road safety.

Base sa datos ng World Health Organization (WHO), mahigit sa 1.25 milyong katao ang namamatay kada taon dahil sa aksidente sa lansangan.

Noong 2018 lamang, 10,012 ang naitalang namatay sa Pilipinas dahil sa aksidente.

Para tugunan ang ganitong mga isyu sa road safety, nagpatupad ng iba’t-ibang programa ang DOTr at attached agencies nito tulad ng Philippine Road Safety Action Plan, Public Utility Vehicle Modernization Program, at  Motor Vehicle Inspection System at ang mahigpit na pagpapatupad ng batas ukol dito.

Ang World Day of Remembrance for Road Traffic Victims ay ginugunita tuwing ikatlong linggo ng Nobyembre kada taon. | ulat ni Rey Ferrer