Mga guro, umapela na sa DepEd na tanggalin na sa kanila ang mga excessive workload

Pormal nang hiniling ng Teachers’ Dignity Coalition sa Department of Education (DepEd) na alisin sa kanila ang mga excessive workload na wala nang kinalaman sa kanilang trabaho.

Nagkaisa ang mga guro na gawin ito kasunod ng pagkamatay ng isa nilang kasamahan dahil sa anila’y pisikal at emosyunal na epekto ng mga excessive workload.

Paliwanag pa ng teachers group, ang matinding stress din ang nakikita nilang dahilan ng pagpapakamatay ng tatlong guro kamakailan.

Giit nila sa DepEd, angĀ agarang pagpapatigil sa implementasyon ng tinatawag na results-based performance management system,
pagpapatigil sa implementasyon ng DepEd Order No. 42 o ang paggawa ng Daily Lesson Log at Detailed Lesson Plan, at sa halip ay gamitin na lang ang isang simpleng lesson preparation.

Pinatitigil din nila ang pagsasagawa ng on-going class observations, Saturday classes at required meetings.

Gayundin ang kahilingang ipatupad ang 6-hour workday, pagkuha ng mga tauhan na gagawa ng mga clerical tasks at dapat may ibinibigay na sa kanila na leave benefits sa buong school year.

Higit sa lahat ang hiling na pagandahin ang socio-economic condition ng mga guro sa pamamagitan ng pagkaloob ng mataas na sahod at komprehensibong health program kabilang ang mental wellness. | ulat ni Rey Ferrer