Mga guro at estudyante, dapat libreng makatanggap ng COVID-19 vaccine

Isinusulong ni BHW Partylist Representative Angelica Co na ilibre na ng pamahalaan ang COVID-19 vaccine ng mga guro at estudyante mula kinder hanggang kolehiyo.

Ito aniya ang pinakamabisang tugon upang makabalik na sa face to face classes ang mga mag-aaral sa ilalim ng new normal.

Aminado ang mambabatas na ‘coping mechanism’ lamang ang alternative modes of learning at higit pa ring mas epektibo ang pag-aaral sa loob ng classroom.

Nangangamba si Co na sa ilalim ng target ng pmahalaan na mabakunahan ang 20 milyong pinakamahihirap na Pilipino, ay hindi masasakop ang mga kabataan.

Bunsod nito ay hinimok ng kinatawan ang pamahalaan na dagdagan ang libreng bakuna at hanapan ng Department of Finance ng pagkukunan ng dagdag na pondo para dito kahit sa pamamagitan ng loans o grants.

Para naman sa mga estudyante na nabibilang sa upper class families o kaya’y nakakaluwag, ay itinutulak ng mambabatas na i-subsidize ng pamahalaan ang kahit kalahati ng gastos para sa bakuna.
 
Inihirit din ni Co na maisama sa mga unang mabibigyan ng bakuna ang mga barangay health workers.