Mga Grab driver na deputized bilang road safety marshalls, hindi exempted sa batas trapiko – HPG

Hindi exempted sa pagsunod sa batas trapiko ang mga deputized na Grab drivers at riders bilang road safety marshalls ng Highway Patrol Group o HPG.

Ito ang nilinaw ni HPG Director Chief Superintendent Arnel Escobal kasabay ng pagbibigay-diin na huhuliin din ng HPG ang mga road safety marshalls kung sila mismo ay gagawa ng traffic violations.

Ang 1,500 road safety marshalls sa Metro Manila at 10,000 sa buong bansa na karamihan ay Transport Network Vehicles Services o TNVS Grab drivers at riders ay makikilala sa pamamagitan ng Green Road Safety Marshall sticker sa kanilang mga sasakyan.

Ayon kay Escobal mas lalo pa ngang dapat maging ehemplo ng tamang pagmamaneho sa daan ang mga road safety marshalls, kaya hindi dapat nila gamiting lisensya para mang-abuso ang kanilang boluntaryong katungkulan.

Ayon kay Escobal, dumaan sa istriktong screening at seminar ang mga napiling road safety marshalls.

Ayon naman kay Grab Spokesperson Leo Gonzales, piling-pili ang mga Grab driver na kanilang ini-apply para maging road marshalls at walang kondisyon o perks na matatanggap ang mga ito dahil boluntaryo lamang ang paging road safety marshall.

Sinabi naman ni Philippine National Police Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na inaasahan niyang magiging karagdagang mata ng HPG ang mga road safety marshall upang maging mas epektibo ang HPG sa pagmimintina ng kaayusan sa mga kalsada. | via Leo Sarne